“Here Lies Everyman,” sabi sa caption ng litrato ng matandang lalaking namatay sa ilalim ng LRT sa tapat ng PGH
Paggunita kay Tatang at sa kanyang mga pambihirang buto
tatang, ano’ng pangalan niyo? at saan
kayo nakatira? ibig kong sabihin,
bago kayo nagpaampon sa kalsada,
mayroon din ba kayong pamilya,
kaibigan, sinisinta?
ano po bang nangyari, at bakit kayo naglagalag?
tulad niyo ba akong hindi alam
ang patutunguhan,
o wala na kayong mapuntahan?
Tatang, bakit di ko kayo nakita?
lagi ko namang binabaybay ang ilalim
ng lrt tapat ng pgh, pero
maski anino ninyo sa sulok
ng aking mata’y – wala!
yung iba namang matanda,
pinagliliwanag ang usukang kalsada
ng kanilang mga ngiti,
o kaya’y binabasag ang hangin
ng kanilang malamlam na tingin.
meron din naghahasik ng lumbay
sa kanilang bawat kay bagal
na paggalaw —
pero kayo, ‘tang,
wala kayong hinabilin.
di ko man lang kayo nabigyan
ng pangalan, o istorya, o kasama –
hindi kayo nagparamdam
sa inyong paglisan.
pumanaw kang nakatalikod sa aming lahat.
wala kang iniwang alaala
maliban sa litrato ng iyong mga
pambihirang buto.
animo’y likhang-sining,
kay kisig ng hugis,
binabanat ang balat,
o mahigpit bang niyayakap?
tatang, iniwan mo akong namamangha.
sinakop ang aking panaginip
ng pangitain ng iyong kahanga-hangang
naghuhumiyaw
na mga
buto.
Leave a Reply